Barangay San Rafael - Montalban, Rizal
Ito ang opisyal na page ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa Bayan ng Montalban, Rizal.
04/08/2026
PAANYAYA PARA SA MGA KWALIPIKADONG BENEPISYARYO NG UPLIFT CASH ASSISTANCE PROGRAM
Ipinaaalam ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael na magsasagawa ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Pamahalaang Bayan ng Montalban ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transportation (UPLIFT) Cash Assistance Payout.
PETSA: Agosto 11, 12 at 13, 2026 (Martes hanggang Huwebes)
ORAS: 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon
LUGAR: Ynares Rescue Center, Brgy. Manggahan, Rodriguez, Rizal
📌 Mahalagang Paalala:
Tanging ang mga pangalan na kabilang sa opisyal na listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ang maaaring tumanggap ng ayuda.
Bilang paglilinaw, ang Pamahalaang Barangay ng San Rafael ay walang partisipasyon sa pagpili o pag-apruba ng mga benepisyaryo. Ang opisyal na listahan ay nagmula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) batay sa masterlist ng mga sambahayang natukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS).
Hinihikayat ang lahat ng mga kwalipikadong benepisyaryo na dumalo sa itinakdang petsa, oras at lugar ng payout.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at Sangguniang Barangay, patuloy nating ipinapaabot sa ating mga kabarangay ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga programa at serbisyong inilulunsad ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
04/08/2026
LIGTAS TIGDAS: BAKUNA KONTRA TIGDAS AT RUBELLA
Makikiisa ang Pamahalaang Barangay ng San Rafael, sa pamamagitan ng ating Barangay Health Office, katuwang ang ating mga Barangay Health Workers (BHWs) at Barangay Nutrition Scholars (BNS), sa pagpapatupad ng Ligtas Tigdas (Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity and Vitamin A Supplementation) ng Department of Health (DOH).
Mula Agosto 10 hanggang Agosto 26, 2026, iikot ang ating mga health workers sa iba’t ibang lugar sa Barangay San Rafael ayon sa nakatakdang iskedyul upang mabakunahan ang mga batang kabilang sa target na edad ng programa.
Inaanyayahan ang lahat ng mga magulang na may mga anak na kabilang sa kwalipikadong edad para sa pagbabakuna na makiisa at samantalahin ang libreng serbisyong ito. Ang bakuna ay isang mahalagang proteksyon laban sa tigdas at rubella at makatutulong upang mapanatiling ligtas at malusog ang ating mga anak.
Mangyaring tingnan ang nakalakip na iskedyul upang malaman ang petsa ng pagbisita ng ating mga health workers sa inyong lugar.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at Sangguniang Barangay, patuloy nating sinusuportahan ang mga programang pangkalusugan ng Department of Health para sa kaligtasan at magandang kinabukasan ng bawat batang San Rafaeleño.
Protektahan ang ating mga anak. Makilahok sa Ligtas Tigdas Program!
03/08/2026
PATULOY ANG OPLAN GALUGAD, CURFEW ENFORCEMENT, AT BARANGAY ROVING
Patuloy ang gabi-gabing roving, pagpapatupad ng curfew, at Oplan Galugad ng mga Barangay Tanod ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael, katuwang ang Philippine National Police (PNP) at ating mga Force Multipliers, upang mapanatili ang kaayusan, katahimikan, at kaligtasan sa ating komunidad.
Sa isinagawang operasyon, may mga nasita dahil sa iba’t ibang paglabag tulad ng:
🔹 Pag-inom ng alak sa kalsada at iba pang pampublikong lugar;
🔹 Mga menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang lisensya;
🔹 Mga indibidwal na nakahubad ang pang-itaas sa mga pampublikong kalsada; at
🔹 Iba pang mga paglabag na nakaaapekto sa kaayusan at disiplina sa ating barangay.
Paalala sa ating mga kabarangay na pairalin ang disiplina at sumunod sa mga umiiral na batas at ordinansa. Ang pagpapanatili ng isang ligtas at maayos na komunidad ay hindi lamang responsibilidad ng mga awtoridad kundi ng bawat mamamayan.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at Sangguniang Barangay, patuloy nating paiigtingin ang pagpapatupad ng mga programa para sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad ng bawat San Rafaeleño.
Kung may nais ireport na insidente o paglabag, makipag-ugnayan agad sa ating Barangay Command Center upang mabigyan ng agarang aksyon.
01/08/2026
PAGLILINIS SA KALSADA AT DALUYAN NG TUBIG SA SITIO AC
Patuloy ang agarang pagtugon ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ng ating Kapitan Judith Cruz kasama ang Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan sa mga problemang kinakaharap ng ating mga kabarangay. Isinagawa ang paglilinis sa kalsada at daluyan ng tubig sa Sitio AC, kung saan napakaraming naipong putik at tubig dulot ng kawalan ng maayos na kanal na magdadala ng tubig-ulan patungo sa ilog.
Bilang tugon sa matagal nang suliraning ito, ipinangako ni Kapitan Judith Cruz sa mga residente na ang isinagawang paglilinis ay simula pa lamang. Susundan ito ng paggawa ng pansamantalang daluyan ng tubig upang mabawasan ang pagbabara at pag-ipon ng tubig habang hinihintay ang kaukulang aksyon ng mas mataas na ahensya ng pamahalaan na may kapangyarihang magplano at magpatupad ng pangmatagalang solusyon sa nasabing problema.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pamahalaang Barangay sa mga kinauukulang tanggapan upang maisulong ang kinakailangang proyekto para sa kapakinabangan at kaligtasan ng ating mga kabarangay.
31/07/2026
CONGRATULATIONS, SAN RAFAEL SAINTS SUPER SENIORS!
Mainit na pagbati sa San Rafael Saints Super Seniors sa kanilang matagumpay na panalo laban sa Geronimo Generals sa ginanap na laban sa Municipal Gymnasium (Plaza) bilang bahagi ng 1st Cong. Tom, Gov. Nina, Mayor Ronnie, Vice Umpek & Konsi Manok Basketball Cup 2026.
Muli ninyong ipinakita ang inyong husay, tibay ng loob, at tunay na diwa ng sportsmanship. Ang inyong tagumpay ay hindi lamang karangalan ng inyong koponan kundi ng buong Barangay San Rafael.
Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa ating mga kabataan at sa iba pang mga manlalaro na patuloy na magsikap, maging disiplinado, at magbigay ng karangalan sa ating barangay.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at Sangguniang Barangay, taos-puso naming binabati ang buong koponan ng San Rafael Saints Super Seniors. Patuloy kaming nakasuporta sa inyong laban tungo sa mas marami pang tagumpay.
Congratulations, San Rafael Saints Super Seniors! Tuloy-tuloy lang ang pagdadala ng karangalan sa ating barangay!
31/07/2026
PAGPUPUGAY SA MGA KAMPEON NG ANNUAL BARANGAY SAN RAFAEL BASKETBALL AND VOLLEYBALL LEAGUE 2026! 🏐🏀
Matagumpay na ginanap noong Hulyo 26, 2026 sa Diliman Covered Court ang Awarding Ceremony ng Annual Barangay San Rafael Basketball and Volleyball League, kung saan pinarangalan ang mga koponan at manlalarong nagpakita ng husay, disiplina, at tunay na sportsmanship sa iba’t ibang kategorya ng palaro.
Iginawad sa ating mga kampeon at natatanging manlalaro ang mga trophy, medalya, at cash prizes bilang pagkilala sa kanilang sipag, dedikasyon, at natatanging pagganap sa buong liga.
Pinangunahan ang seremonya ng ating Punong Barangay Kapitan Judith Cruz, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan sa pamumuno ni SK Chairperson Maui Santos, bilang pagpapakita ng suporta sa patuloy na pagpapaunlad ng sports at kabataan sa ating barangay.
Binabati ng Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at ng Sangguniang Barangay ang lahat ng mga nagwagi, kalahok, coaches, referees, committee team, organizers, at mga sumuporta sa matagumpay na liga. Nawa’y magsilbi itong inspirasyon upang lalo pang paunlarin ang talento, disiplina, pagkakaisa, at malasakit sa kapwa ng bawat San Rafaeleño.
Muli, congratulations sa ating mga kampeon! Hanggang sa susunod na liga! 🏆🎉👏
30/07/2026
PATULOY ANG PAGSASAAYOS NG KANAL SA P. RODRIGUEZ STREET
Patuloy ang isinasagawang pagsasaayos at paglilinis ng kanal sa kurbada ng P. Rodriguez Street, malapit sa Sitio Dapdap, bilang bahagi ng ating pagsisikap na mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang matagal nang suliranin ng pagbaha sa naturang lugar.
Simula pa kahapon, tinitibag ng ating mga kawani ang bahagi ng sidewalk upang maalis ang naipong buhangin, lupa, putik, at mga basurang sa paglipas ng panahon ay bumara na sa daluyan ng tubig-ulan. Sa pamamagitan nito, inaasahan nating muling magiging maayos ang pagdaloy ng tubig at mababawasan ang pagbaha sa tuwing may malakas na pag-ulan.
Batid ng inyong Pamahalaang Barangay ang matagal nang problemang kinakaharap ng mga residente sa lugar na ito. Kaya naman patuloy nating ginagawa ang lahat ng ating makakaya upang masolusyunan ito at mapabuti ang kalagayan ng ating komunidad.
Hinihiling din namin ang pakikiisa ng bawat isa sa pagpapanatiling malinis ng ating mga kanal at mahigpit na iwasan ang pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig upang hindi na muling magdulot ng pagbabara at pagbaha.
Mula sa Pamahalaang Barangay ng San Rafael sa pamumuno ni Kapitan Judith Cruz at Sangguniang Barangay, patuloy kaming nagseserbisyo at kumikilos upang makapaghatid ng mas ligtas at mas maayos na kapaligiran para sa bawat San Rafaeleño.
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Contact the organization
Telephone
Website
Address
Sitio Libis Barangay San Rafael
Rodriguez
1860
Opening Hours
| Monday | 8am - 5pm |
| Tuesday | 8am - 5pm |
| Wednesday | 8am - 5pm |
| Thursday | 8am - 5pm |
| Friday | 8am - 5am |
| Saturday | 8am - 5pm |
| Sunday | 8am - 12pm |